Kinumpirma ni Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Ronald “Bato” dela Rosa na isasama sa imbestigasyon ng Senado ang natuklasang iligal na libingan sa Sitio Kapihan ng Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI).
Ayon kay Dela Rosa, kasama ito sa tatalakayin sa pagdinig at aalamin kung awtorisado ba ang SBSI na gamitin ang lupain doon bilang ekslusibong libingan at kung pinayagan o may permiso ba silang gamitin ang lugar na sementeryo.
Bubusisiin din aniya ang posibleng circumstances o dahilan ng pagkasawi ng mga batang sinasabing nakalibing doon.
Katunayan, inatasan ni Dela Rosa ang National Bureau of Investigation (NBI) na siyasatin kung bakit puro bata ang umano’y nakalibing sa sementeryo.
Bagama’t wala pa namang alegasyon ng ‘abortion’ ay hindi iniaalis ni Dela Rosa ang posibilidad na isa ang ito sa mga dahilan ng ilan sa mga nakalibing na bata sa sementeryo.
Tinukoy rin ni Dela Rosa ang testimonya sa pagdinig ng isang menor de edad na hindi niya alam na siya ay buntis at nalaglag ang batang sa kanyang sinapupunan dahil sa matinding physical training na kanilang pinagdadaanan.
Mayroon pa aniyang isang ama na dumulog sa NBI at nagreklamo dahil namatay ang kanyang anak matapos na pagbawalan ni Senyor Agila na dalhin sa ospital at siya na ang magpapagaling sa bata na kasama rin sa nakalibing sa iligal na sementeryo.