Arestado ang 18 indibidwal kabilang ang limang chinese nationals sa ikinasang joint raid ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) katuwang ang Mines and Geosciences Bureau, National Bureau of Investigation (NBI) North Eastern at Philippine Army 4th Infantry Division sa isang illegal mining operation sa Misamis Oriental.
Nakumpiska sa site ang ilang heavy equipment na gaya ng backhoe na ginamit para hukayin ang lugar.
Ayon sa DENR, nasa tinatayang 7.6 ektatya ng lupain sa bahagi ng Iponan River sa Opol, Misamis Oriental ang napinsala dahil sa iligal na pagmimina.
Sa tulong ng satelite image, makikita ang malalaking uka sa lupa at ang pagkasira ng kagubatan dahil sa iligal na pagmimina.
Nasa kustodiya na ngayon ng NBI North Eastern Mindanao Regional Office sa Capitol Compound, Cagayan de Oro City ang mga suspek na nahaharap sa patong patong na kasong may kaugnayan paglabag sa Environmental Laws, kabilang dito ang Republic Act (RA) 7942 o ang Philippine Mining Act, RA 9275 o ang Philippine Clean Water Act, at Presidential Decree 705 o Forestry Code of the Philippines.
Kasunod nito, nanawagan naman si DENR Sec. Antonia Loyzaga sa iba pang concerned government agencies, stakeholders at mga Komunidad sa Iponan River na paigtingin ang mga hakbang upang masawata ang illegal mining operations sa lugar.