Iligal na paggamit ng drone, ipinasisilip sa Kamara

Pinapaimbestigahan sa Kamara ang umano’y mga napaulat na iligal o maling pamamaraan ng paggamit ng drone sa bansa.

Sa House Resolution 2473 na inihain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, ay inaatasan ang House Committee on Transportation na magdaos ng pagsisiyasat “in aid of legislation.”

Sa resolusyon ay sisilipin ang kasalukuyang estado ng “drone operations” upang makalikha ng batas na magbibigay-proteksyon sa karapatan sa “privacy”, kaligtasan at seguridad ng publiko.


May ilang ulat kasi na ang mga drone operations ay lumabag sa pribadong buhay ng ilang grupo at indibidwal habang may ilang report na naisakatuparan ang isang insidente ng nakawan gamit ang pagpapalipad ng drone.

Ngayong panahon naman ng kampanya ay pinangangambahang magamit ang mga drone sa “political partisanship,” kaya para maiwasan ay kailangan itong maimbestigahan.

Facebook Comments