Iligal na pagpasok ng China sa Sulu Sea, pinasisilip sa Kamara

Pinakikilos ng Makabayan ang Kamara para imbestigahan ang pinakahuling insidente ng panghihimasok ng China sa domestic waters ng bansa.

Sa House Resolution 2528 ay pinaglalabas ang Kamara ng pagkundena sa panibagong insidente ng pagpasok ng China sa Philippine waters at pinagsasagawa agad ng pagsisiyasat tungkol dito.

Nakasaad na sa pagitan ng January 29 at February 1, 2022 ay iligal na pinasok ng isang Chinese reconnaissance ship ang Sulu Sea kung saan nakarating pa ito hanggang Cuyo Island sa Palawan at Apo Island sa Mindoro.


Tinukoy sa resolusyon ang mariing pagkwestyon ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa katwiran ng mga sakay ng Chinese vessel na ine-exercise lamang nila ang kanilang “right of innocent passage”.

Nagawa pang manatili ng barko ng China sa karagatan ng Sulu sa loob ng tatlong araw kahit pa makailang beses na inabisuhan ito ng BRP Antonio Luna ng Philippine Navy na lisanin na ang teritoryo.

Ipinunto pa sa resolusyon na ang paulit-ulit at walang pahintulot na pagpasok sa ating teritoryo ay hindi lamang isang seryosong usapin kundi banta at paglabag sa pambansang soberenya at seguridad ng bansa.

Facebook Comments