‘Iligal’ na sabungan sa Quezon, sinalakay; 1 patay, 1 sugatan

Nananawagan para sa katarungan ang pamilya ng isang senior citizen na nabaril umano ng pulis matapos salakayin ang isang iligal na sabungan sa Tiaong, Quezon noong Linggo.

Kinilala ang nasawi na si Jaime Matira, 62 taong gulang, residente ng Barangay Anastacia sa parehong bayan.

Pahayag ng anak ng biktima, nanonood lamang ng tupada ang kaniyang tatay nang biglang dumating sa lugar ang mga awtoridad pasado alas-11:50 ng umaga.


Nagpaputok daw ng warning shot ang isang operatiba kaya agad nagtakbuhan ang mga naroon. Ilang putok pa raw ang umalingawngaw at nang matapos ito ay doon na raw napaslang ang ama.

Natagpuan ang katawan ni Matira 500 metro ang layo sa umano’y iligal na sabungan.

Dead on arrival sa ospital ang biktima dahil sa tinamong tama ng bala sa likod.

Samantala, sugatan naman ang isang nagngangalang Joel Resotay na nagpapastol lamang ng baka malapit sa pinangyarihan ng operasyon.

Inamin ng Tiaong Municipal Police Station na kanilang mga tauhan ang nagsagawa ng raid sa sabungan. Dahil dito, sinibak sa puwesto ang pitong miyembro ng operations team.

Patuloy din ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa pangyayari.

Facebook Comments