Iligan, inilagay sa MECQ; Metro Manila at apat pang lugar, mananatili sa GCQ hanggang September 30

Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) na ilagay sa community quarantine classifications ang ilang lugar sa bansa hanggang September 30.

Ito ang unang pagkakataon na ipatutupad ang quarantine levels sa loob ng isang buwan na orihinal na ipinatutupad kada 15 araw o dalawang linggo lamang.

Ang Iligan City sa Lanao Del Norte ay ilalagay sa mas istriktong Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).


Mananatili naman sa General Community Quarantine (GCQ) ang Metro Manila, Bulacan, Batangas at mga siyudad ng Tacloban at Bacolod.

Ang natitirang bahagi ng bansa ay nasa maluwag na Modified GCQ.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, anuman ang quarantine classification ay kailangan pa ring manatili sa loob ng bahay kung walang importanteng lakad.

Sa ilalim ng MECQ, tanging 25% ng mga industriya ang papayagang mag-operate, limitado ang religious gatherings at suspendido ang pampublikong transportasyon.

Sa GCQ, nasa 25 hanggang 50% capacity ng public transportation ang papahintulutan at halos lahat ng industriya ay papayagang magbukas habang ang religious gatherings ay limitado lamang sa 10 katao.

Sa MGCQ, ang turismo at pampublikong transportasyon ay papayagan habang 50% capacity ng mga venues tulad ng sinehan, concerts, sporting events at religious activities ay pinapayagan na rin.

Facebook Comments