Reclusion perpetua o habambuhay na pagkakabilanggo ang inihatol ng Malolos Regional Trial kay retired Army Major General Jovito Palparan sa kasong pagdukot sa dalawang UP students.
Batay sa promulgation ni Malolos RTC 3rd Judicial Region Branch 15 Judge Alexander Tamayo, guilty si Palparan sa kasong kidnapping at serious illegal detention hinggil sa pagkawala ng mga estudyante ng UP na sina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan.
Maliban kay Palparan, habambuhay na pagkakakulong din ang hinatol sa dalawang kasama niya na sina retired Army Lieutenant Colonel Felipe Anotado at staff Sgt. Edgardo Osorio.
Pinagbabayad din ang tatlo ng isang daang libong piso bilang danyos sa pamilya ng mga biktima.
Habang binabasa naman ang sentensya ng korte, sumigaw pa si Palparan na duwag ang hukom na humawak ng kaso.
Naging emosyonal naman ang pamilya ng dalawang estudyante nang sentensyahan si Palparan.
Sina Empeno at Cadapan ay nawala noong taong 2006.