Pinasisilip sa Kamara ang isyu tungkol sa illegal dismissal at delayed na pasahod sa mga EDSA Carousel bus drivers.
Sa House Resolution 52 na inihain ng Makabayan Bloc, inaatasan ang House Committees on Transportation at Labor and Employment na imbestigahan ang sinapit ng mga driver at kundoktor ng EDSA Bus Carousel.
Tinukoy sa resolusyon na nakaranas ng pangaabuso mula sa kanilang dating employers ang mga transport workers ng ES Consortium at Mega Manila Consortium na nag-o-operate sa EDSA Bus carousel.
Kabilang sa reklamo ng mga drivers at konduktor ay 18 hanggang 21 oras silang pumapasada o mula alas 2 ng madaling araw hanggang alas 10 ng gabi.
Dagdag pa rito, 23% lamang din ng kanilang share sa sahod ang kanilang nakukuha sa halip na 30% alinsunod sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Memorandum Circular 2021-029.
Bukod dito, sa sahod ng mga transport workers na ito pa ibinabawas ang fuel cost.
Noong Pebrero ay nagsagawa ng protesta ang mga nasabing manggagawa pero inalis naman sila sa trabaho.
Aabot sa ₱7-B ang pondong inilaan sa EDSA Bus Carousel na bahagi ng service contracting program ng pamahalaan.