Patuloy ang pagbabantay ng Urdaneta City Police Station sa umano’y nagpapatuloy na illegal drag racing sa bypass road ng lungsod.
Ayon kay PCPT Vladimir Lalas, duty officer ng Urdaneta City Police Station, karamihan sa mga sangkot sa karera ay mga residente ng Barangay Sta. Lucia, Anonas, at Nangkayasan.
Aniya, kadalasang pangkatuwaan lamang ang naturang aktibidad, ngunit may mga pagkakataong may pustahan na nagiging dahilan ng mas madalas na pagdaraos ng mga karera.
Bagaman wala pang naitalang insidente, mas pinaigting ng pulisya ang pagsusuri sa mga hindi lisensyadong motorsiklo at sasakyan na posibleng ginagamit sa ilegal na karera.
Nagpaalala naman ang pulisya sa mga kabataang nagtatangkang makilahok o magsagawa pa ng ganitong gawain na maaaring masangkot sa aksidente o paglabag sa batas trapiko.











