Illegal dredging ng China sa karagatang sakop ng bansa, pinaiimbestigahan sa Kamara

Pinasisiyasat ng Makabayan Bloc sa Kamara ang illegal dredging activities ng Chinese dredging ships sa karagatang sakop ng bansa.

Ang pagpapaimbestiga ay kasunod na rin ng pagkakahuli ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Customs (BOC) sa Chinese dredging ship na MV Zhonhai 68 sa karagatan sa Zambales noong nakaraang linggo.

Sa House Resolution 1528, tinukoy na mula 2017 ay ilang Chinese dredging ships na ang nahuli sa karagatan ng bansa na gumagawa ng mga ilegal na aktibidad.


Inaatasan sa resolusyon ang Committee on Natural Resources na imbestigahan ang epekto ng illegal dredging activities ng mga Chinese dredging ships sa kapaligiran at maging sa kabuhayan ng mga residente malapit sa karagatan.

Naniniwala ang mga kongresista ng Makabayan na marami pang illegal Chinese dredging ships ang hindi pa natitimbog ng mga otoridad at patuloy na nagdudulot ng pagkasira ng kapaligiran.

Binigyang diin pa sa resolusyon na ang paglaganap ng mga dredging ships ng China ay isang paraan ng pagiging agresibo nito sa ating teritoryo na malinaw na paglabag sa soberenya at territorial integrity ng bansa.

Facebook Comments