Ipinagpaliban ni Muntinlupa City Regional Trial Court Branch 206 Judge Lorna Navarro-Domingo ang pre-trial hearing sa kasong illegal drug trade laban kay Senadora Leila De Lima.
Ito ay makaraang mabigo ang prosekusyon na iharap ang kanilang testigo.
Ayon kay Atty. Boni Tacardon, legal counsel ni De Lima walang bitbit na testigo ang prosekusyon sa kabila nang pagmamayabang ng mga ito na mayroon silang higit sa 50 testigo laban sa senadora.
Nakatakda sanang iharap ngayon ng prosekusyon ang una nilang witness na si dating Police Director Benjamin Magalong pero naghain sila ng manifestation kay Judge Domingo na nais muna nilang iharap ngayong araw si former Police Officer Engelberto Durano.
Kasunod nito kinakailangan nang iharap ng prosekusyon sina Magalong at Durano sa susunod na pagdinig na itinakda ng hukom sa Martes, September 11.