Manila, Philippines – Siniguro ngayon ng Philippine National Police (PNP) na makikipagtulungan sa Department of Justice (DOJ) matapos na makitaan na ng probable cause sina self-confessed drug distributor Kerwin Espinosa at iba pa kaugnay sa kanilang kasong may kinalaman sa iligal na droga.
Ayon kay PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde, magbibigay ang PNP ng mga dagdag na ebidensya sa DOJ upang mas lalo pang mapabigat ang kaso laban kina Kerwin Espinosa, Peter Co at tatlong iba pa.
Iginiit naman ni PNP Chief Albayalde na sa simula pa lamang ay consistent na ang case build up ng CIDG at may sapat nang ebidensya para makasuhan sina Espinosa, Co at tatlo iba pa.
Matatandaang pinawalang bisa noon ng DOJ ang pagsasampa ng kaso kila Espinosa dahil sa kawalan ng matibay na ebidensya at pagiging inconsistent ng testimonya ni Marcelo Adorco.
Si Adorco ay dating drayber ni Espinosa, na nag-iisang witness na hawak ng CIDG laban kina Kerwin, Peter Co at tatlong iba pa.
Ikinatuwa naman ng PNP ang tuluyan ng pagsasampa ng kaso kina Espinosa matapos ang isinagawang pagre-review ng bagong panel ng state prosecutors sa kaso.