Illegal Filipino immigrants sa Amerika, pinayuhan ni Amb. Romualdez na kusa nang lisanin ang Estados Unidos

Hinimok ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez ang illegal Filipino immigrants sa Estados Unidos na kusa nang lisanin ang Amerika.

Ito ay dahil tiyak aniyang tototohanin ni US President-elect Donald Trump ang pangako nitong paghihigpit sa Immigration policy kung saan tatamaan ang illegal immigrants sa Amerika.

Nagbabala si Ambassador Romualdez na tiyak na magkakaroon ng malaking crackdown operation sa US sa sandaling maupo na si Trump.


Sinabi pa ni Ambassador Romualdez na kapag hinintay pa ng illegal Filipino immigrants na mapa-deport sila, malabo na aniyang makabalik ang mga ito ng Amerika dahil sila ay awtomatikong maba-blacklist.

Sa kabilang dako, kapag kusa aniyang umalis ng Amerika ang illegal Filipino immigrants, maaari pa silang makabalik doon bastat dumaan lamang sa tamang proseso.

Sa ngayon, nasa 250,000 hanggang 300,000 ang illegal Filipino immigrants sa US.

Ang paninindigan ni Trump laban sa illegal immigrants ang sinasabing nagpanalo sa kanya sa halalan laban kay US Vice President Kamala Harris.

Marami ring Filipino-Americans ang sumuporta kay Trump, sa paniniwalang ang mga ipatutupad nitong polisiya ang magpapa-angat sa ekonomiya ng Amerika kung saan kabilang sa magbebenipisyo nito ay ang kanilang pamilyang tumatanggap ng remittance sa Pilipinas.

Facebook Comments