Illegal immigration consultancy firm, ipinasara ng DMW

Ipinasara ng Department of Migrant Workers o DMW sa bisa na rin ng closure order sa tulong ng Mandaluyong Police ang isang kompanya sa Mandaluyong City na sangkot umano sa illegal recruitment.

Sa pangunguna ni DMW Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac, isinara ang Immigration consultancy firm na nambibiktima ng mga Pilipinong nais magtrabaho sa Canada.

Ayon kay Cacdac, nag-ugat ang kanilang operasyon sa kanilang walong beses na surveillance na naningil ng P110, 000 na professional fee ang kompanya.


Bawal umano ang panghihingi ng placement fee at labag sa batas.

Paliwanag ni Cacdac, walang lisensya mula sa DMW ang kompanya na nagsasagawa job matching sa Canada kung saan iba’t ibang trabaho ang alok sa pamamagitan ng social media post.

Para naman sa mga Pilipinong nakapasok ng Canada sa pamamagitan ng kompanya, sinabi ng DMW na tutulungan nila ang mga OFW sa pamamagitan ng action fund.

Depensa naman ng kompanya, hindi OFW ang kliyente nila at para sa permanent residency ang alok nila sa Canada.

Sasampahan ng reklamo sa Department of Justice ang naturang kompanya na simula pa 2021 ang operasyon.

Facebook Comments