Ipinag-utos ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Mines and Geosciences Bureau (MGB) sa SOCCSKSARGEN na agad na ipasara ang illegal small-scale mining operation malapit sa Mount Apo Natural Park sa Magpet, Cotabato.
Ayon kay Environment Secretary Roy Cimatu, ang mining site ay matatagpuan 10 kilometro lamang ang layo mula sa paanan ng bundok at hindi pa naidedeklarang ‘minahang bayan’ o common area kung saan pinapayagan ang mga small-scale miners na mag-operate.
Pinakakasuhan din ni Cimatu ang mga nasa likod ng illegal mining activity.
Nabatid na nadiskubre ng team ang isang limang metrong habang tunnel o kweba na nangangahulugang nasa early stage na ang kanilang mining operation.
Sa loob ng kweba, makikita ang 25 sako na naglalaman ng nasa 90 kilo ng ore.
Sinabi ni DENR-MGB Region 12 Director Felizardo Gacad Jr. na maglalabas ng cease and desist order laban sa illegal mining operation, habang inihahanda na ang criminal charges laban sa illegal miners at sa kanilang financiers.
Ang nasabing illegal mining operation ay malinaw na paglabag sa Republic Act 7942 o Philippine Mining Act of 1995 at RA 7076 o Peoples Small-Scale Mining Act of 1991.