Pinaiimbestigahan ni AGRI Party-list Representative Wilbert “Manoy” Lee ang nabunyag na ilegal na bentahan ng kidney o bato at iba pang internal organs kung saan sangkot umano ang ilang health workers tulad ng nurse at doktor.
Ang hakbang ni Lee ay kasunod ng pagkahuli ng National Bureau of Investigation (NBI) sa tatlong indibidwal sa San Jose Del Monte, Bulacan na umano’y sangkot sa organ trafficking syndicate at kanilang idinawit ang isang nurse ng National Kidney Transplant Institute.
Ayon kay Lee, ang ganitong gawain na tila pakikipag-transaksyon sa demonyo at mga halang ang kaluluwa ay labag sa “Organ Donation Act of 1991” at “Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012”.
Sa inihaing House Resolution No. 1803 ay binigyang-diin ni Lee na pangunahing biktima ng ganitong modus ang mga mahihirap nating kababayan, lalo na ang mga gipit o ‘kapit sa patalim’ at desperado kumita para may pantustos sa pangangailangan ng pamilya.
Sa pagsasaliksik ng opisina ni Lee ay nabatid na naglipana rin ang mga Facebook group kung saan lantaran ang bentahan ng laman-loob ng tao.
Giit ni Lee, kailangan ang agaran at seryosong imbestigahan ito, para panagutin sa lalong madaling panahon ang mga nambibiktima sa marami nating kababayan.