Nadakip ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang illegal recruiter sa Baclaran, Parañaque City.
Ayon sa PCG, nakatanggap ng reklamo ang Coast Guard Intelligence Force (CGIF) noong Disyembre 2022 mula sa aplikante ng PCG hinggil sa suspek na si Omar Sampang na nag-alok sa kaniya ng ‘sure enlistment’ sa coast guard service basta’t magbabayad ito ng P350,000.
Agad na nag-imbestiga at nakipag-ugnayan sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang PCG saka ikinasa ang entrapment operation.
Nasakote si Sampang matapos tanggapin ang marked money mula sa CGIF agent na nagpanggap na aplikante ng PCG.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng PNP-CIDG si Sampang para sa booking process at paghahain ng karampatang kaso na estafa at usurpation of authority.
Kaugnay nito, hinimok ng PCG ang mga aplikante na naloko ni Sampang na maghain din ng reklamo kung saan nagpapa-alala sila sa publiko na maging mapagmatyag at ireport ang illegal recruiters para sa agarang aksyon.