
Arestado ng mga awtoridad ang hinihinalang illegal recruiter na nagsasagawa ng recruitment activities nang walang pahintulot mula sa Department of Migrant Workers (DMW), sa dalawang recruitment agencies sa Malate, Maynila.
Kasunod nito ay ang pagsuspinde ng DMW sa recruitment agencies na napag-alaman mula sa imbestigasyon na nagsasagawa ng “kabit system,” o “tie up” na isang scheme kung saan ang mga legal na ahensya ay nakikipagsabwatan sa mga hindi lisensyadong recruiter.
Ipinaliwanag ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na ang kabit system ay isang paraan ng mga ahensiya na may lisensiya na nagpapagamit ng kanilang lisensiya sa ibang ahensiya.
Na-rescue rin ng DMW ang isang OFW na ni-recruit nang iligal online, nangako ang DMW ng tulong para OFW na mabigyan ito ng training and employment facilitation at financial assistance.
Tiniyak ng DMW ang patuloy na pangangasiwa at pangako ng ahensiya sa pagprotekta sa mga migranteng manggagawa, lalo na sa pagtiyak sa pagsunod ng mga lisensyadong recruitment agencies sa bansa.









