Manila, Philippines – Kalaboso sa ikinasang entrapment operation ang isang babaeng nagpapanggap umanong empleyado ng isang recruitment agency para makapambiktima ng mga aplikante sa Sta. Mesa, Maynila.
Kinilala ng Manila Police District (MPD) ang suspek na si Carissa Aquieda.
Ayon sa MPD, modus ni Aquieda ang magpakilalang nagtatrabaho sa isang recruitment agency at mangako sa mga biktima ng trabahong caregiver at driver sa Canada na may sahod na halos P200,000.
Lumabas sa imbestigasyon ng MPD na walang koneksiyon si Aquieda sa sinasabi nitong recruitment agency.
Aabot sa P500,000 ang nakolekta ni Aquieda bilang recruitment fee sa limang nagreklamong biktima.
Napaniwala raw kasi ng suspek ang mga biktima dahil nagbigay ito ng tseke na pang-allowance daw ng mga biktima pagdating sa Canada.
Mahaharap sa mga kasong estafa at large-scale illegal recruitment si Aquieda.