Sinampahan ng reklamong human trafficking sa Department of Justice (DOJ) ang apat na suspek sa pag-recruit sa anim na Pilipino para magtrabaho sa cryptocurrency scam sa Myanmar.
Ayon sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT), kabilang sa mga kinasuhan ay tatlong Pinoy at isang Chinese na recruiters at employer ng mga biktima.
Hindi naman pinangalanan ng IACAT ang mga respondent.
Ayon sa mga biktima, ni-recruit sila ng mga respondent bilang online customer service representatives sa Thailand.
Pero sila ay dinala sa Myanmar upang hikayatin ang mga dayuhan na mag-invest sa cryptocurrency.
Ayon pa sa mga complainant, hiningian sila ng Chinese employer ng US$7,000 bawat isa dahil sa paglabag sa kontrata sa pag-uwi sa Pilipinas.
Kinulong din anila sila sa magkakahiwalay na kwarto, kinumpiska ang mga pasaporte at cellphone, tinali, hindi pinakain, at sinaktan.