ILOCOS REGION, NAKAPAGTALA NA NG 31 KASO NG BIKTIMA NG PAPUTOK; DOH-CHD1, NAGBABALA SA PAGGAMIT NG BOGA

Nagbabala ang Department of Health (DOH) – Ilocos Region sa publiko na iwasan ang paggamit ng “boga” kasabay ng pagtaas ng kaso ng fireworks-related injuries (FWRI) sa rehiyon, partikular na sa lalawigan ng Pangasinan.

Ayon kay Regional Director Paula Paz M. Sydiongco, karamihan sa mga gumagamit ng “boga” ay nasa edad 10-14.

Aniya, Mahigpit na pinapaalalahanan ang mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak upang maiwasan ang paggamit nito at nanawagan sa mga lokal na opisyal na magbantay at kumpiskahin ang mga giangamit na boga.

Sa datos ng ahensya, mula Disyembre 21-25, 2024, ang “boga” ang nangungunang sanhi ng mga kaso ng fireworks-related injuries na may 14 na insidente (45.2%).

Bukod dito, naiulat din ang mga kaso mula sa iba pang paputok tulad ng five star, baby rocket, whistle bomb, kwitis, fountain at iba pang paputok. Naitala ng lalawigan ng Pangasinan ang pinakamataas na bilang ng kaso na may 21 insidente.

Dalawampung pasyente ang nagtamo ng blast/burn injuries, habang siyam naman ang nagkaroon ng eye injuries.

Tatlong pasyente ang na-admit, ngunit walang naitalang pagkamatay.

Ipinaalala rin ni Sydiongco na ang paggamit, pagbebenta, at pag-iingat ng “boga” ay ipinagbabawal sa ilalim ng Republic Act No. 7183.

Hinikayat ng DOH ang publiko na gawing mas ligtas ang selebrasyon ng Bagong Taon sa pamamagitan ng pag-iwas sa paggamit ng mga paputok at pagpapahalaga sa kaligtasan ng bawat isa. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments