Umabot sa 458 ang naitalang kaso ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) sa Ilocos Region mula Enero hanggang Agosto ng taong 2024, ayon sa Department of Health – Regional Epidemiology Surveillance Unit (DOH-RESU).
Batay sa datos, Pangasinan ang may pinakamataas na bilang na may 272 kaso, kabilang na ang 33 kaso mula sa Lungsod ng Dagupan. Sinundan ito ng La Union na may 70 kaso, 61 sa Ilocos Sur, at 55 sa Ilocos Norte.
Sa kabuuang bilang, 432 ang lalaki at 26 ang kababaihan, habang 16 naman ang naitalang nasawi.
Ibinahagi ang naturang datos upang palakasin ang pakikipagtulungan ng iba’t ibang sektor sa pagtulong sa mga taong nabubuhay na may HIV (PLHIVs).
Ayon kay DOH Region 1 Regional Director Paula Paz Sydiongco, mahalaga ang pagkilala sa karapatan at buhay ng mga PLHIVs upang mabawasan ang diskriminasyon at stigma laban sa kanila.
Nanawagan din ang DOH sa publiko na suportahan ang mga hakbang para sa maagang pagsusuri, tamang gamutan, at pagbibigay ng pag-unawa sa mga PLHIV upang mapanatili ang kanilang kalusugan at dignidad. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨