Nagpatupad ng mas mahigpit na border control ang Baguio City at Ilocos Sur sa Mountain Province.
Ayon kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, ang mga biyaherong papasok sa Benguet at Mountain Province ay kinakailangang magpakita ng medical clearance at tanging mga essential travel lamang ang papayagan.
Samantala, simula noong Sabado, Jan 30, 2021, hindi muna papayagang makapasok sa Ilocos Sur ang mga magmumula sa Mt. Province.
Ito ay matapos na pirmahan ni Ilocos Sur Governor Ryan Singson ang kautusan na pansamantalang isara sa kanilang borders sa Barangay Aluling at Barangay Commilas sa bayan ng Cervantes.
Una rito, 12 kaso ng COVID-19 UK variant ang na-detect sa Bontoc, Mountain Province kung saan noong Lunes ay kinumpirma ng Department of Health na nagkaroon na ng local transmission nito sa lugar.