ILOCOS SUR, KINUMPIRMA ANG UNANG KASO NG MPOX

Kinumpirma ng pamahalaang panlalawigan ng Ilocos Sur ang unang kaso ng Mpox sa lalawigan noong April 19.
Sa inilabas na pahayag ng probinsya, kinilala ang pasyente na isang 34-anyos na babaeng overseas Filipino worker (OFW) mula sa bayan ng Tagudin.

Ayon sa ulat, nagsimulang makaranas ng sintomas ang pasyente tulad ng lagnat, pantal, at pamamaga ng kulani noong Disyembre 2024 habang nasa ibang bansa pa. Dumating siya sa Pilipinas noong Marso 1 at nanatili muna sa ibang probinsya bago nagtungo sa Ilocos Sur noong Marso 4.

Sa ngayon nanatili ito sa Ilocos Training and Regional Medical Center sa La Union para sa medikasyon. Sinabi ni Arvin Plete, surveillance officer ng Ilocos Sur Provincial Health Office, ang pasyente ay may Clade II Mpox variant, na itinuturing na hindi gaanong malala.

Nilinaw din ng Pamahalaang Panlalawigan na wala local transmission ng naturang sakit sa lugar. Hinimok din ng Ilocos Sur PHO ang publiko, lalo na ang mga galing sa mga bansang may kaso ng Mpox, na agad magpatingin sa doktor kapag nakaranas ng lagnat, pantal, panginginig, o pamamaga ng kulani.

Inirekomenda rin ng awtoridad ang madalas na paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at tubig o alcohol-based sanitizer, at ang pag-iwas sa malapitang kontak lalo na sa mga taong may pantal na kahawig ng Mpox. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments