ILOG SA SAN FABIAN, DINADAYO BILANG PASYALAN

Habang papalapit ang pagbabalik sa araw-araw na gawain, marami pa rin ang humahabol sa huling sandali ng pamamasyal. Isa sa mga paboritong destinasyon ng mga turista ngayon ay ang Bued River o mas kilala bilang Cayanga River, na matatagpuan sa Ambalangan-Dalin sa bayan ng San Fabian, Pangasinan.

Ang malinaw at malamig na tubig ng ilog ang pangunahing dahilan kung bakit ito patok sa mga bisita. Bukod sa pagkakataong makapag tampisaw, dagdag atraksyon din ang magagandang tanawin na nagpapahinga sa mata at isip. Walang entrance fee sa lugar, kaya’t abot-kamay ito ng lahat. Subalit, para sa mga nais gumamit ng cottage, may bayad na ₱400.00 bawat kubo.

Upang mapanatili ang kalinisan ng Bued River, mahigpit na ipinapatupad ang CLAYGO o “Clean As You Go.” Ang mga bisita ay inaasahang magdala ng kanilang sariling basura palabas upang hindi masira ang natural na kagandahan ng lugar.

Paalala ng mga lokal na awtoridad na huwag maligo dito tuwing panahon ng bagyo o kung may pagbubukas ng dam gates. Ang biglaang pagtaas ng tubig ay maaaring magdulot ng panganib, kaya’t mahalagang sundin ang mga patakaran para sa kaligtasan ng lahat. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments