Makakatanggap muli sa susunod na linggo ng karagdagang 50,000 doses ng COVID-19 vaccines ang Iloilo city mula sa national government.
Ito ang inihayag ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas matapos silang umapela ng karagdagang supply ng bakuna nitong mga nakalipas na araw dahil sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa kanilang lungsod.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Mayor Treñas na nakatanggap na sila ng 25,000 doses ng bakuna pero kalahati lamang nito ang magagamit muna dahil nakalaan para sa second dose ang iba rito.
Ayon pa kay Treñas, hindi lamang bakuna ang hinihiling nila kundi mga mechanical ventilators, dagdag na health workers at mabayaran na ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang utang sa mga ospital na aabot na sa ₱1 bilyong piso.
Batay sa datos ng DOH Western Visayas, nasa 9,924 na ang kabuuang COVID-19 cases ng lungsod kung saan 2,472 dito ang nananatiling aktibo.