Ipinanawagan ni dating Health Secretary at Iloilo Representative Janette Garin ang mass testing kasunod pa rin ito ng patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa.
Ayon kay Garin, nagiging negosyo na lamang kasi ng ilan ang COVID-19 testing at nagiging ‘unregulated’ na ang pagsasagawa ng test partikular sa mga resulta na may “false negative” dahilan kaya kumakalat nang husto ang sakit.
Inirekomenda ni Garin ang pagsasagawa ng mass testing upang magamit naman ang milyun-milyong biniling test kits ng gobyerno noong nakaraang taon gayundin ang agarang isolation sa mga magpopositibo sa sakit.
Muli ring ipinanawagan ng kongresista ang paggamit sa nakatabing “second dose” ng bakuna at hiniling ang agad na pagbabakuna sa lahat ng health workers, senior citizens at iyong may mga comorbidities.
Hindi sang-ayon ang lady solon sa pag-recall ng bakuna mula sa probinsya pabalik ng National Capital Region dahil lamang nasa Metro Manila ang surge o pagtaas ng kaso.
Aniya, walang kinikilalang boarders ang virus at ang nangyayari sa Metro Manila ay posible ring mangyari sa mga probinsya kaya marapat lamang na gamitin na agad ang nakatabing second dose ng bakuna sa lahat ng rehiyon sa bansa.