Umani ng papuri ang isang Ilonggang estudyante matapos ibahagi ang pag-aaral tungkol sa aratiles na maaring maging gamot sa Diabetes.
Ito ay kinilalang si Maria Isabel Layson, 16 taong gulang, mula sa Iloilo National High School (INHS) Special Science Class. Isa siya sa 12 student-researchers representatives ng Pilipinas para sa 2019 Intel Science and Engineering Fair (ISEF) na ginanap sa Phoenix, Arizona U.S.A. nitong nakaraang linggo.
Naging tulay ang pagkapanalo niya sa National Science and Technology Fair (NSTF) para maging kinatawan ng Pilipinas sa prestigious competition. Natanggap niya rin ang karangalang Gokongwei Brothers Foundation Young Scientist Award.
Sa pananaliksik ni Layson na may pamagat “Bioactive Component, Antioxidant Activity, and Antidiabetic Properties of Muntingia calabura Linn, an In Vitro Study” nadiskubreng niya ang potential ng sarisa o aratiles bilang gamot sa Type 2 diabetes.
“Pinag-aralan ko ang aratiles or sarisa (local term) para i-address ang diabetes. Ang conclusion nito is that, all of the plant parts ng sarisa (aratiles) ay nagco-contain ng anti-oxidants na makakatulong sa anti-diabetic properties nito,” panayam kay Layson ng RMN Iloilo.
Dagdag pa niya, madaling mahanap at bumili ng aratiles.
Nilinaw din ni Layson na hindi lang bunga ng sarisa o aratiles ang mapapakinabangan, maging ang ugat, sanga, dahon, at bulaklak nito.
Naging sentro ng kanyang pag-aaral ang Diabetes dahil maraming namamatay sa sakit na ito, saan man bahagi ng mundo. Naging biktima rin ang ibang kamag-anak ng namamanang sakit.
Ayon sa ritemed.com.ph, ang diabetes ay isang karamdaman kung saan ang katawan ng isang tao ay hindi nakakapag-produce ng sapat o kahit anong insulin, hindi nagagamit ng tama ang napoproduce na insulin, o kombinasyon ng dalawa. Kapag nangyayari ito, hindi nakakakuha ng katawan ang kinakailangang sugar sa cells mula sa dugo. Pag lumala, nauuwi ito sa mataas na blood sugar levels.
Mayroon tatlong uri diabetes, ang type 1 na madalas makita sa mga bata, type 2 na karaniwan naman sa matatanda, at gestational diabetes sa mga buntis.