Karangalan ang pasalubong ng isang Ilonggo matapos magningning sa prestihiyosong singing competition na 23rd World Championships of Performing Arts (WCOPA) 2019 sa Long Beach, California, U.S.A.
Ginawaran ng tatlong medalya at isang plaque ang binatang si John Bryan Galan Carnaje na mula sa bayan ng Badiangan, lalawigan ng Iloilo.
Nakamit ni Carnaje ang gintong medalya sa kategoryang Country and Western Music matapos kantahin ang “You’re Still the One” ni Shania Twain; pilak na medalya sa kategoryang Latin nang awitin ang “Yo Te Voy Amar” (This I Promise You) ng N’sync; at bronze medal para sa kategoryang Original Works kung saan kinanta nito ang komposisyong “Take Me Higher”.
Nauwi rin ng Ilonggo ang 2019 Champion of the World plaque sa dibisyong sinalihan.
Ayon kay Carnaje, pangarap niya lang noon ang sumali sa mga international contest. Kaya naman nagsumikap siya ng todo nang maging kinatawan ng bansa sa naturang kompetisyon.
Inalay niya rin ang panalo sa lahat ng Pilipino.
Matatandaang naging finalist si Carnaje sa ginanap na RMN Pop Fiesta Musika noong 2006.
Ang WCOPA 2019 ay nilahukan ng mahigit 60 personalidad galing sa iba’t-ibang panig ng mundo.