Manila, Philippines – Ilulunsad ng Philippine National Police (PNP) ang bago nitong istratehiya sa internal cleansing.
Tatawagin itong ‘Revitalized PNP internal cleansing’.
Ayon kay PNP spokesman, Senior Superintendent Benigno Durana, sa ilalim ng bagong strategy, mahahati sa tatlo ang bagong paglilinis sa hanay ng PNP: ang preventive; punitive at restorative.
Sa preventive approach, mas matinding babala at pagpipigil ang ibibigay ng PNP sa kanilang mga tauhan na sangkot at may balak na madawit sa katiwalian.
Kabilang na rito ang pagsasagawa ng malalimang background investigation sa mga nag-a-apply pa lamang at matinding training.
Sa punitive approach, tiyak na mapaparusahan at walang ligtas ang mga pulis na gumagawa pa rin ng kalokohan sa kabila ng kanilang mataas na sahod.
Sa restorative approach, isasalang sa spiritual cleansing ang mga pulis na dating naiulat na gumagawa ng katiwalian.
Base sa tala ng PNP, umabot na sa mahigit 6,000 ang naparusahan dahil sa kasong administratibo habang nasa higit 350 pulis ang sinibak dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na droga.