
Nirerespeto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang karapatan ng taumbayan na magsasagawa ng malawakang rally na itinakda ng iba’t ibang grupo sa Setyembre 21, kasabay din ng anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, malinaw ang paninindigan ng Pangulo na ang ganitong pagkilos ay bahagi ng demokrasya at karapatang magpahayag ng malayang saloobin.
Ang mga kilos-protesta rin naman aniya ay laban sa korapsiyon na nilalabanan din ng Pangulo kaya pareho lamang ang nararamdaman at sentimyento ng mga ito.
Sa kabila nito, umaasa naman ang Palasyo na hindi sasakyan ng ilang grupo ang kilos protesta sa September 21 para maglunsad ng destabilisasyon.
Layon ng September 21 rally na kalampagin ang gobyerno at igiiit na panagutin ang mga sangkot sa mga katiwalian sa gobyerno.









