Noong Linggo pa raw nakita ng katiwala na lumuluha ang imahe ng Birheng Maria sa pader ng isang simbahan sa Chicago na malapit nang maremata.
Dahil dito, nagsipuntahan ang mga deboto sa isang siglo na ang tanda na Holy Trinity Greek Orthodox Church para masaksihan ang pinaniniwalaan nilang senyas umano mula sa Diyos.
Sinabi ni Rev. Fr. Nicholas Jonas sa isang lokal na pahayagan na nag-imbestiga siya at naglagay ng bulak sa ilalim ng larawan.
Nasipsip daw ng bulak ang malangis na likido na tumutulo mula sa mga mata ng Birhen sa larawan.
Ibinahagi rin ni Jonas ang kuha ng sinasabing larawan na nagpapakita ng naiwang bakas ng likidong tumulo mula sa mga mata.
“I can’t explain why she is tearing, but I do know as human beings we are usually crying for two reasons: either joy or sorrow,” ani Jonas.
Ayon sa NBC 5 Chicago, umabot na sa halos $8 milyon (P400,000,000) ang utang ng Greek Orthodox Church, pangalawa sa pinakamatandang simbahan sa Chicago.
Nadiskubre ang umano’y pagluha ng imahe ilang araw bago ang nakatakdang pagdinig tungkol sa pagsasara ng simbahan.
Habang ang iba ay naniniwalang “biyaya” ito o “milagro” mula sa Diyos, naniniwala naman daw si Jonas na isa itong mensahe.
“Some people say this is a sign. I stop short of that. I would just rather say that the Virgin Mary is talking to us. I would just let her finish her conversation. And, let’s see what happens,” aniya.