
Iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may magandang record ang Pilipinas sa United Nations sa kabila ng mga isyu ng korapsyon at ang posibleng epekto ng krisis sa langis sa ekonomiya.
Gayunman, hindi niya direktang sinagot kung paano isusulong ang imahe ng Pilipinas sa international community sa mga susunod na taon.
Sa halip, inilahad ng pangulo ang matagal nang pakikipagtulungan ng bansa sa United Nations.
Matagal na aniyang nagpapadala ang bansa ng peacekeeping forces at tumutugon kapag may pangangailangan ang organisasyon sa mga pandaigdigang misyon.
Dahil dito, naniniwala siyang may matibay na batayan ang magandang reputasyon ng Pilipinas sa organisasyon, lalo na habang humihingi ang pamahalaan ng suporta para sa kandidatura ng bansa bilang non-permanent member ng UN Security Council.










