Nailipat na sa Quirino Grandstand ang imahen ng itim na Nazareno bilang paghahanda sa Traslacion nito sa Huwebes.
Sinimulan na rin ang pagkakabit ng barbwires sa Ayala Bridge para hindi magpumilit umakyat ang mga deboto papalapit sa andas.
Maglalagay din ng container vans at barriers na pangharang sa ilang lugar.
Ayon kay NCRPO Chief, Brig/Gen. Debold Sinas, plantsado na rin ang seguridad kung saan 16,000 tauhan ng PNP, AFP, BFP, Coast Guard, MMDA at Volunteers ang magbabantay.
Magkakaroon din ng “andas wall” kung saan papalibutan ng mga pulis ang harapan at magkabilang gilid ng prusisyon.
Paglilinaw ni Sinas, bukas pa rin ang likurang bahagi ng andas kaya pwedeng umakyat at magpunas ang mga deboto sa Nazareno.
Magpapatupad din ng signal jamming, at mobile kulungan para sa mga pasaway.
Sinabi naman ni Manila Mayor Isko Moreno, ipagbabawal ang lahat ng anumang sagabal sa kalsada.
Mamayang alas-2:00 ng hapon ang prusisyon ng mga replika ng itim na Nazareno.
Bukas (Jan. 8) ng alas-3:00 ng hapon naman magsisimula ang pahalik sa Quirino Grandstand.
Idineklara na ring walang pasok ang mga estudyante sa lahat ng antas, maging ang mga kawani ng gobyerno sa Huwebes (Jan. 9)