Imbakan ng armas, narekober ng militar matapos ituro ng mga sumukong NPA sa Maguindanao

Narekober ng militar ang mga matataas na kalibre ng baril ng New Peoples Army (NPA), matapos na ituro ng limang sumukong NPA ang kanilang imbakan ng armas.

Ayon kay Western Mindanao Command (WESTMINCOM) Commander Lt. Gen. Alfredo Rosario Jr., sumuko ang mga dating rebelde sa Headquarters ng 57th Infantry Battalion, sa Edwards Camp, Barangay Mirab, Upi, Maguindanao kahapon.

Isinuko rin nila ang kanilang mga armas na kinabibilangan ng 5.56mm rifle, isang CAL. 30 M1 Garand rifle, at tatlong 12-gauge Shotguns.


Itinuro rin ng mga sumuko ang kanilang mga imbakan ng armas sa Mt. Tred sa Barangay Bual, Isulan at sa Barangay Chua, Bagumbayan.

Narekober naman dito ng militar ang dalawang M16 rifles, isang M60 general-purpose machine gun, at samu’t saring magasin at bala.

Mula Enero ng taong ito, 62 dating miyembro ng NPA ang sumuko sa mga tropa ng gobyerno sa Central Mindanao.

Facebook Comments