Kasabay ng lumalabas na ulat kaugnay sa umano’y partisipasyon ng ilang licensed protective agents sa mga violent incident o krimen, inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., ang PNP Civil Security Group at ang police regional offices na magsagawa ng imbentaryo sa lahat ng kanilang protective agents.
Kabilang na rito ang mga nagsisilbing bodyguard sa ilang VIPs kasama ang mga foreigner na mayroong malalaking negosyo sa bansa.
Ayon kay Azurin, bilang general rule ay sakop o nasa ilalim ng pangangasiwa ng Special Duty Detail Order (SDDO) mula sa PNP Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOSIA) ang mga licensed protective agent na silang nagbibigay awtorisasyon sa mga ito na magdala ng armas para gampanan ang kanilang tungkulin bilang bodyguard.
Ani Azurin, ang mga protection agents ay saklaw ng Authority to Deploy Protection Agents na inisyu ng CPNP na tatagal ng isang taon.
Paliwanag pa ng heneral, ang PNP CSG-SOSIA, katuwang ang police districts sa National Capital Regional at iba pang police regional offices ay inaatasang magsagawa ng inspeksyon sa lahat ng private security personnel na nagsisilbi bilang mga protective agent.
Idinagdag pa ni Azurin na naglunsad ang PNP ng crackdown laban sa mga unauthorized security personnel sa mga POGO establishment na nasasangkot sa ilang ilegal na aktibidad o krimen.