Sa halip na arestuhin, bigyan ng face mask.
Ito ang apela ng mga kongresista ng Makabayan sa ibinigay na direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Philippine National Police (PNP) na arestuhin ang mga indibidwal na hindi nagsusuot ng face mask sa mga pampublikong lugar.
Ayon kay ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro, sa halip na arestuhin ay bigyan ng face masks ang mga tao dahil susunod naman ang mga ito sa batas.
Katunayan aniya, ang mga Pilipino ang pinakamasunurin sa pagsusuot ng face masks kung saan 80% ang mga sumusunod sa pagsusuot nito tuwing lalabas ng tahanan.
Aniya, ang sobrang parusang ito ay maaaring magdulot na naman ng katakot-takot na paglabag sa karapatang pantao.
Para naman kay Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate, paraan ito ng gobyerno para pagtakpan ang pagiging palpak sa pagtugon sa pandemya.
Aniya, doble-kara ang administrasyon Duterte kapag mahihirap ang lumalabag sa batas.