Inihain ngayon ni Senator Risa Hontiveros ang Senate Resolution Number 453 na nagsusulong ng imbestigasyon ng Senado ukol sa inilabas na revenue memorandum circular ng Bureau of Internal Revenue (BIR) para sa mga online sellers.
Sa naturang resolusyon ay iginiit din ni Hontiveros sa BIR na suspendihin ang naturang memo hanggang sa December 31 ng kasalukuyang taon.
Sa naturang memo ay inaatasan ng BIR ang mga online sellers na magparehistro at magbayad ng buwis habang may krisis dulot ng COVID-19.
Katwiran ni Hontiveros, kung hahabulin ng pamahalaan ang malalaking digital entrepreneurs, ay dapat siguraduhin na hindi madadamay o mapapahirapan ang maliliit na online sellers na dumidiskarte ng ikabubuhay ngayong may pandemya at milyun-milyon ang nawalan ng trabaho.
Ipinunto pa ni Hontiveros na malalagay sa panganib na mahawa ng COVID-19 ang mga online sellers na dadagsa sa mga tanggapan ng BIR para magparehistro at magbayad ng buwis.