Manila ,Philippines – Ipagpapatuloy ng Department of Justice (DoJ) sa Oktubre 26 ang preliminary investigation sa reklamong murder at frustrated murder kasunod ng pagkamatay ni Trece Martires Vice Mayor Alexander Lubigan.
Sa hearing kanina sa DOJ, present ang complainant na si Romeo Endrinal, bodyguard ni Lubigan
Inatasan naman ni Senior Assistant State Prosecutor Rex Gingoyon na magsumite ng counter affidavit ang mga respondent na sina Rhonel Bersamina at Lawrence Arca.
No show ang ibang respondent pero ang idinadawit sa krimen na si Trece Martires Mayor Melandres De Sagun ay ni-represent ng kanyang abogadong si Atty. Alexander Nala.
Muling papadalhan ng subpoena ang iba pang respondents na sina Luis Vasquez Abad Jr at Ariel Fletchetro Paiton na bigong dumalo sa imbestigasyon.
Hiniling naman ni Atty. Nala na mabigyan siya ng karagdagang panahon para magsumite ng kontra salaysay ng kanyang kliyente dahil naging counsel lang ito ni Mayor De Sagun noong Oktubre 9.
Dahil dito binigyan ng DoJ panel si Atty. Nala nang hanggang Oktubre 26 para magsumite ng counter affidavit ang kanyang kliyente na si De Sagun maging sina Lawrence Arca, municipal councilor ng Maragondon, Cavite at Rhonel Bersamina.