Iginiit ni Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Representative France Castro na dapat maimbestigahan ang Department of Tourism (DOT) at iba pang may kinalaman sa bagong lunsad na tourism campaign na umano’y kasiraan sa kredibilidad at integridad ng ating tourism industry.
Katwiran ni Castro, dapat may managot sa ganyang klase ng umano’y pambubudol sa mamamayan at pagsasayang sa multi-milyong pisong pera ng taumbayan na nagdulot din ng kahihiyan sa international community.
Hindi katanggap-tanggap para kay Castro na puro panggagaya lang umano sa tourism campaign at slogan ng ibang mga bansa ang ginagawa ng Marcos administration.
Partikular na tinukoy ni Castro na panlilinlang ang paggamit umano sa stock footage ng ibang bansa sa promotional materials na inilunsad ng DOT at pinalabas na mga tanawin ito sa Pilipinas.
Diin ni Castro, para makahikayat ng turista, ang dapat i-showcase ng DOT ay ang sarili nating kultura, heritage at natural wonders na syang magpapa-angat sa ating bansa.