Hindi apektado ng isinagawang Nationwide Rally for Peace ng Iglesia ni Cristo (INC) ang imbestigasyon ng pamahalaan kay Vice President Sara Duterte.
Ito ay matapos magtipun-tipon ang mahigit 1.5-M miyembro ng INC kahapon sa Quirino Grandstand sa Maynila, bukod pa sa iba’t ibang lugar sa bansa upang isulong ang kapayapaan at itigil ang impeachment laban sa pangalawang pangulo.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, hindi ito magdudulot ng pressure at hindi makakaapekto sa imbestigasyon na ginagawa ng mga awtoridad.
Sa kabila niyan, inirerespeto naman daw ng kalihim ang kalayaan ng INC na magpahayag ng kanilang saloobin.
Layon lamang daw ng imbestigasyon na alamin kung may naging paglabag si VP Sara sa mga naging matatapang na pahayag nito na nagbabanta sa buhay nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos at House Speaker Martin Romualdez noong nakaraang taon.
Samantala, sinabi pa ni Remulla na malapit raw na maisumite ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kanilang isinagawang imbestigasyon tungkol dito.