Tinapos na ng Department of Justice (DOJ) Panel of Prosecutors ang imbestigasyon laban kay Negros Oriental Cong. Arnolfo Teves Jr., sa Degamo murder case.
Sa resulta ng preliminary investigation ng DOJ Panel of Prosecutors ngayong hapon, submitted for resolution na ang mga reklamong murder laban kay Teves.
Ito ay nangangahulugan na pag-aaralan at dedesisyunan na ng DOJ Panel of Prosecutor kung may sapat na batayan para ituloy ang kaso sa korte.
Ayon sa abogado ni Pamplona Mayor Janice Degamo na si Atty. Andrei Von Tagum, dahil walang isinumiteng counter affidavit ang kampo ni Teves ay dedepende na ang panel sa mga ebidensya at testimonyang hawak nila.
Dagdag pa ni Tagum, sa halip na motion to dismiss ay dapat counter affidavit ang isinumite ng kampo ni Teves.
Matatandaang tumangging humarap sa imbestigasyon ng DOJ si Teves at kasalukuyang nasa labas pa rin ng bansa.
Samantala, sinabi naman ng abogado ni Teves na si Atty. Ferdinand Topacio, na wala namang sapat na ebidensya laban kay Teves kung kaya’t naghain sila ng motion to dismiss sa halip na magsumite ng counter affidavit.