Wednesday, January 21, 2026

Imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee sa maanomalyang flood control projects, hindi pa nakikitaan ng dahilan para tapusin—Sen. Risa Hontiveros

Hindi pa nakikitaan ni Senator Risa Hontiveros ng dahilan ang Blue Ribbon Committee para tapusin na ang imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects.

Para kay Hontiveros, nakakatulong ang imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee sa imbestigasyon na ginagawa ng Ombudsman at Department of Justice (DOJ) at sa pagsasampa ng kaso sa mga dawit sa ghost project.

Inihalimbawa ni Hontiveros na tulad sa naging karanasan niya noon sa Senate Committee on Women ay nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon sa kabila ng mga ongoing case-build up, pagsasampa ng mga kaso, pagdinig ng mga kaso sa korte at hanggang sa pagpapakulong ng mga mapapatunayang guilty.

Sakali mang matapos na ang pagdinig, maaaring mapakinabangan pa rin ng ehekutibo ang mga findings at recommendation sa naging imbestigasyon.

Dagdag pa ni Hontiveros, kuntento siya sa itinakbo ng imbestigasyon at dahil batid niyang magpapatuloy pa ang pagdinig ay magpa-follow up siya mula sa mga isyung lumutang sa huling hearing tulad ng umano’y kaugnayan ng contractor na si Curlee Discaya kay dating Speaker Martin Romualdez.

Facebook Comments