
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Commission on Elections (COMELEC) kaugnay sa mga kumandidato na tumanggap ng donasyon mula sa mga contractor.
Ayon sa poll body, inaalam na ngayon ng Political Finance Department ang mga datos sa Midterm Elections batay sa mga Statements of Contributions and Expenditures (SOCE).
Una nang sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na may mga inisyal nang listahan kung saan nakita na agad na may mga posibleng contractor.
Bukod sa nagdaang midterm elections, hihilingin din ng Comelec na balikan ang 2022 presidential elections at tingnan ang ibang contributors na hindi lang public works contractors.
Samantala, lumalabas sa ilang ulat na tumanggap umano si Vice President Sara Duterte ng campaign donation mula sa isang malaking kontratista ng flood control project sa Davao Region.
Batay sa SOCE ni VP Sara, nagbigay raw ang Escandor Development Corporation na pagmamay-ari ng kaibigan ng mga Duterte na si Glenn Escandor ng mahigit ₱19 million para sa kanyang campaign ads noong 2022 elections.
Ayon naman sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), lumaki nang husto ang mga kontrata ng Genesis88 Construction mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Mula 2018 hanggang 2024, nakakuha umano ang kumpanya ng halos ₱7 billion halaga ng kontrata, kabilang na ang mahigit ₱2.9 billion sa pagitan ng 2023 at 2024.
Una nang napaulat na nakakuha umano ang kapatid ni VP Sara na si Davao City Representative Paolo Duterte ng aabot sa ₱51 billion na pondo para sa flood control projects sa huling tatlong taon ng nakaraang administrasyon.









