MANILA, PHILIPPINES – Napagkasunduan na ng mga senador na dapat ipagpatuloy ng komite ni Sen. Panfilo Lacson ang imbestigasyon tungkol sa umano’y kaugnayan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa sinasabing Davao Death Squad (DDS).
Ibinigay na kasi sa senate committee on public order and dangerous drugs ang nasabing imbestigasyon para alamin ang katotohanan sa sinabi ni Arthur Lascañas na binabayaran ni Duterte ang dds para pumatay ng mga kriminal noon.
Gayunman, sinabi ni Sen. Grace Poe na nag-aalangan si Lacson na kunin ang imbestigasyon bilang pag-respeto kay Sen. Richard Gordon na unang humawak sa pagsiyasat sa umano’y mga kaso ng extrajudicial killings.
Dahil dito, iminungkahi ni poe na maaring bumuo na lamang sila ng isang special committee, lalo’t ayaw na ring ipatawag muli ni Gordon si Lascañas sa committee on justice and human rights.
Paliwanag nito, makakatulong ang muling pagharap ni Lascañas sa senado para malaman nila kung bakit bigla nitong binaliktad ang kaniyang naunang pahayag tungkol sa DDS.
Pagkakataon na rin aniya nila na masiyasat ang kredibilidad ni Lascañas, habang tinitiyak na hindi ito magiging dahilan para maabswelto ang dating pulis sa anumang krimen na kaniyang nagawa noon.