
Kinumpirma ni House Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette Garin na tatapusin na ng House Infrastructure Committee sa Kamara ang imbestigasyon nito sa ukol sa palpak at maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Garin, ito ang napag-uusapan ng mga lider ng Kamara upang bigyang-daan ang gagawing pagsisiyasat ng binuong Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Tiniyak naman ni Garin ang lubos na pakikiapagtulungan ng Kamara sa ICI kaya handa silang iti-turn over dito ang kanilang mga nakalap na dokumento at mga importanteng impormasyon.
Sabi naman ni Infra Committee Co-Chairman Bicol Saro Rep. Terry Ridon, makikipag-pulong sila kay bagong Speaker Faustino ‘Bodjie’ Dy III para sa magiging direksyon ng komite.
Sabi ni Ridon, malinaw sa talumpati ni Speaker Dy ang mahigpit na pakikipagtulungan ng Kongreso sa ICI kaya ibibigay nila dito ang kopya ng mga transcripts ng mga nagdaang pagdinig, mga dokumento at iba pang ebidensiyang nakuha na ng komite.









