Imbestigasyon ng ICC sa war on drugs ni Pangulong Duterte, inaasahang mauumpisahan sa lalong madaling panahon

Inaasahan ng mga kongresista ng Makabayan Bloc na masisimulan na agad ang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) ukol sa “war on drugs” ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Para kay Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate, umaasa siyang maibibigay kaagad ang “judicial authorization” na hinihingi ni ICC Chief prosecutor Fatou Bensouda.

Ito ay upang maka-arangkada na ang pagsisiyat sa mga itinuturing na paglabag sa karapatang-pantao sa kasagsagan ng madugong giyera kontra droga.


Giit ni Zarate, ang pagkamit ng hustisya para sa mga biktima ng karahasan at paglabag sa karapatan ay tinututukan din ng international community.

Nagpapasalamat naman sina Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro dahil makakausad na anila ang pagbibigay ng hustisya sa mga naging biktima ng Extra Judicial Killings (EJKs).

Nauna rito ay humingi na ng permiso ang ICC Chief sa The Hague Tribunal para magsagawa ng full-investigation sa gyera kontra iligal na droga ng Duterte administration.

Facebook Comments