
Iginiit ni House Infrastructure Committee Co-Chairperson at Bicol Saro Rep. Terry Ridon sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang pagsasagawa ng mas malawak, malalim, at walang sinasantong imbestigasyon sa palpak at maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Ridon, dapat tiyakin ng ICI na ang imbestigasyon nito ay hahantong sa pagsasampa ng kaso laban sa mga indibidwal na binanggit sa pagdinig ng senado at Kamara na sangkot sa korapsyon sa mga proyektong pang-imprastraktura.
Panawagan ito ni Ridon sa ICI kasunod ng pagbibitiw ni Senator Panfilo Ping Lacson bilang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee.
Ayon kay Ridon, napakahalaga ng mga impormasyon, mga testimonya, at mga ebidensya na lumutang sa padinig ng senado sa ilalim ng pamumuno ni Lacson na syang naghubad sa maskara ng mga mambabatas at mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa naturang katiwalian.
Kaugnay nito ay umaasa naman si Ridon na ipagpapatuloy ni Lacson ang kanyang mga adbokasiya para sa mahusay na pamamahala, pag-iral ng pananagutan, at paglaban sa korapsyon.









