Iginiit ng Makabayan Bloc sa House committee on Public Order and Safety na imbestigahan ang naganap na pag-hostage kay dating Senator Leila de Lima ng tatlong miyembro ng Abu Sayyaf Group sa loob ng Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame.
Ang hirit na pagdinig ay nakapaloob sa Senate Resolution number 473 na inihain nina ACT Teachers Representative France Castro, Gabriela Representative Arlene Brosas at Kabataan Representative Raoul Manuel.
Ayon sa Makabayan Bloc, napatunayan sa insidente na nasa panganib ang kaligtasan at buhay ni De Lima kahit nasa loob siya ng detention center ng Pambansang Pulisya.
Bunsod nito ay ikinatwiran ng Makabayan Bloc na kailangang masuri ang sitwasyon sa custodial center na itinuturing na maximum security facility sa loob mismo ng PNP headquarters.
Diin pa ng Makabayan Bloc, ang sinapit ni De Lima ay nagpalakas sa mga panawagan na ito ay tuluyan nang palayain mula sa pagkakabilanggo.