Imbestigasyon ng Kamara sa yaman ni COMELEC Chairman Andres Bautista, huwag na munang ituloy ayon sa isang lider ng Kamara

Manila, Philippines – Ipaubaya na lamang muna sa maghahain ng impeachment complaint ang isyu tungkol sa 1 bilyong iligal na yaman ni COMELEC Chairman Andres Bautista.

Para kay House Majority Leader Rodolfo Fariñas, mas mabuti aniyang hindi na muna mag-imbestiga ang Kamara sa isyung kinakaharap ni Bautista.

Payo ni Fariñas na hintayin na lamang kung mauuwi ito sa impeachment complaint dahil kung may hiwalay na imbestigasyon pa ang Mababang Kapulungan ay magiging redundant lamang ang Kamara dito.


Ang ordinaryong imbestigasyon sa Kamara ay magreresulta lamang sa rekumendasyon samantalang sa impeachment proceeding ay direkta na mapapanagot ang isang impeachable official na gaya ni Bautista.

Sa Kamara, tanging si Kabayan Rep. Harry Roque lamang naghain ng resolusyon para paimbestigahan si Bautista sa kapulungan.

Sa House Resolution 1171, pinasisiyasat ang mga alegasyon ng asawa ni Bautista na si Patricia Paz Bautista sa natuklasan nitong tagong yaman kasama ang milyones na deposito, at hindi deklaradong assets ng COMELEC Chief sa kanyang SALN.

Facebook Comments